CAUAYAN CITY – Inihayag ng Public Order and Safety Division Cauayan City na imumungkahi nilang magpasa ng City Ordinance para sa mas mahigpit na pagbabantay sa Alicaocao Overflow Bridge oras na makumpleto na ang rehabilitasyon ng tulay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na imumungkahi niya na mula alas-4 ng umaga ay may maitatalaga nang magbantay sa approach ng tulay para maiwasang dumaan ang mga mabibigat na sasakyan at maiwasang madagdagan pa ang damage nito.
Matatandaang una nang ipinagbawal pansamantala ang pagdaan ng mga truck sa overflow bridge mula nang simulan ang rehabilitation ng nasirang approach ng tulay.
Sa ngayon ay pina-paikot ang mga truck sa bayan ng Naguilian habang mga maliliit na sasakyan lamang ang pinahihintulutang dumaan o mga sasakyang may timbang na 30 tons pababa sa inilagay na temporary detour sa tulay.
Tiwala naman siya na susuportahan na mga City Councilors ang naturang proposal para ma-preserba ang tulay na malaking tulong sa mga residente sa Forest Region.