--Ads--

CAUAYAN CITY – Iimbestigahan ng Alicia Police Station ang nangyaring aksidente sa Barangay Paddad, Alicia, Isabela na kinasasangkutan ng isang tricycle at motorsiklo kung saan nawala ang ilang mahahalagang gamit ng tsuper ng motorsiklo.

Batay sa pagsisiyasat ng PNP Alicia, binabagtas ng motorsiklo na minamaneho ni Bombo Edmar Galingana ang National Highway patungo sa timog na direksyon habang papasok naman sa kanto ang tricycle at sila ay nagpang-abot.

Napag-alaman na matapos ang insidente ay hindi na naibalik ang cellphone, wallet at pera ni Bombo Edmar.

Samantala, nilinaw naman ng Rescue Alicia na pagdating nila sa lugar ay marami nang tao na nakikiusyoso.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Paul Bullungan ng Rescue Alicia na mataong lugar ang pinangyarihan ng aksidente at hindi rin talaga maiiwasan na may mga taong nakikiusyoso kapag may ganitong pangyayari.

Aniya, pagdating nila sa lugar ay nadatnan na nila ang biktima na nakahiga sa gilid ng daan at dinala na rin nila sa pinakamalapit na pagamutan dahil iniinda na nito ang mga sugat na kanyang natamo.

Lahat naman aniya ng nakita nilang gamit nito ay ibinalik sa kanyang mga kamag-anak.

Sarili aniya nilang cellphone ang kanilang ginamit para maiparating sa kanyang kamag-anak ang pangyayari dahil nang tanungin nila kung paano nila maipapaalam sa kaanak nito ang pangyayari ay sinabi lang niya ang numero.

Nagpaalala naman ang Rescue Alicia sa mga mamamayan na agad ipagbigay alam sa mga kinaukulan kapag may nangyayaring aksidente sa kanilang lugar para agad na matugunan at huwag galawin ang biktima dahil maaring mas lumala ang sitwasyon.