CAUAYAN CITY – Matagal nang alitan sa trabaho ang nakikitang dahilan sa naganap na pananaga patay sa isang security guard sa barangay San Fermin.
Ang biktima ay si Arsenio Del Rosario, limampu’t tatlong gulang, may asawa, security guard at residente ng Naganacan, Cauayan City habang ang pinaghihinalaan ay si Dante Tejero, tatlumpu’t pitong taong gulang, binata at residente ng Tagaran, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nakaduty ang biktima sa Cauayan Memorial Garden sa barangay San Fermin nang siya ay komprontahin ng pinaghihinalaan.
Makalipas ng ilang minuto ay umuwi si Tejero at pagbalik ay may dala ng itak at hinabol ang biktima.
Nagpambuno ang dalawa subalit ng mabigyan ng pagkakataon ang suspek ay tinaga niya sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan si Del Rosario.
Nagtamo ng taga sa ulo, kili-kilo at tagiliran ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Agad namang tumugon sa lugar ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station at naaresto ang pinaghihinalaan.