Mas lalong naghigpit ang Philippine National Police (PNP) Cauayan Airport kahapon at ngayong araw ng Kapaskuhan bunsod ng pagdagsa ng mga pasaherong dumarating sa paliparan, partikular na ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na umuuwi upang ipagdiwang ang Pasko kasama ang kanilang pamilya.
Ayon kay PMaj. Onasis Culili, Chief of Police ng PNP Cauayan Airport, naka-full blast ang kanilang pagbabantay sa loob at labas ng paliparan upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga pasahero. Aniya, mahigpit ang kanilang koordinasyon hindi lamang sa hanay ng PNP kundi pati na rin sa iba’t ibang security units gaya ng security system ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Dagdag pa ni Culili, nakatalaga rin ang mga K9 dogs sa masusing pagmomonitor at inspeksyon ng mga bagahe ng pasahero upang maiwasan ang pagpupuslit ng anumang uri ng kontrabando tulad ng ilegal na droga, baril, bala, at iba pang ipinagbabawal na bagay. Layunin umano nito na masigurong ligtas at maayos ang daloy ng mga biyahero ngayong holiday season.











