Mas pinipili ni Aljur Abrenica na huwag nang isapubliko ang tungkol sa dalawang anak nila ni AJ Raval.
Aminado ang aktor na hindi pa siya handang pag-usapan ang tungkol sa kanyang mga anak, sa kabila ng pagkakabunyag ng impormasyon ng ama ni AJ na si Jeric Raval.
Matatandaang si Jeric mismo ang naging “whistleblower” matapos nitong ibunyag ang pagkakaroon ng apo sa isang interview.
Bagamat lantad na sa publiko ang usapin, tikom pa rin ang bibig ni Aljur tungkol sa kanyang mga anak.
Gayunpaman, bilang isang ama, nauunawaan daw ni Aljur ang naging kilos ni Jeric.
Sa kabila ng hindi inaasahang rebelasyon, sinabi naman ni Jeric na walang ibang hangad kundi ang kabutihan para kina Aljur at AJ, na aniya’y tutok na tutok sa pag-aalaga sa kanilang mga anak.






