Malabo pang magdaos agad ang mga mambabatas ng “all senators caucus” para pag-usapan at kunin ang pulso ng mga senador hinggil sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kabila ito ng panawagan nina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na magpatawag na ng caucus si Escudero at simulan na ang proseso ng impeachment trial kay Duterte.
Ayon kay Escudero, natanong na niya ang mga senador tungkol sa panawagang caucus ng minorya at may ilang mambabatas ang hindi interesado rito at marami rin ang hindi available o abala sa ibang bagay.
Sakali mang magpatawag siya ng “all senator caucus” ay hindi rin naman makakapunta ang lahat dahil may ilan ang may byahe, nasa abroad at bukod pa sa may kampanya.
Paliwanag pa ni Escudero, kahit anong gawin pa nila hangga’t walang sesyon ay hindi ito magiging opisyal at wala rin silang masisimulan.
Samantala, pumalag si Escudero sa naging pahayag ni Hontiveros na dine-delay ng Senado ang impeachment process ni VP Duterte.
Giit ni Escudero, hindi niya dine-delay ang impeachment at sinusunod lamang niya ang proseso nang naaayon sa legal na paraan, sa konstitusyon at sa batas.