--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip ng pulisya ang isang ama na ilang beses na gumahasa sa sarili nitong anak sa San Isidro Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Grandeur Tangonan, Chief of Police ng San Isidro Police Station, sinabi niya na kanilang inaresto sa kanilang isinagawang operasyon ang isang ama dahil sa kaso nitong panggagahasa sa mismo nitong anak sa hindi na binanggit na barangay.

Batay sa salaysay ng labintatlong taong gulang na bata, siya ay tatlong beses na ginahasa ng kanyang tatay mula noong 2022 hanggang 2023.

Nagkaroon ng pagkakataon ang akusado na isagawa ang krimen dahil nasa ibang bansa ang kanyang asawa.

--Ads--

Ayon sa biktima laging umiinom ng alak ang kanyang ama at tuwing nalalasing isinasagawa ang panggagahasa sa kanyang mismong anak.

Hindi agad na nakapagsumbong ang biktima dahil sa pagbabanta ng kanyang ama.

Napansin ng guidance counselor ang pagbabago sa behavior ng bata sa eskwelahan kaya ito ipinatawag at dito na ito umamin sa ginagawa ng kanyang ama.

Agad na nakipag-ugnayan ang guidance counselor sa ina ng biktima patungkol sa ginagawa ng kanyang asawa na agad na umuwi para makapagsampa ng kaso.

Agad namang nagtago ang akusado matapos malaman ang kaso at ngayon lamang natunton ng mga otoridad matapos na umuwi na sa kanilang bahay.

Pinaalalahanan naman niya ang mga magulang na huwag iiwanan ang babaeng anak sa poder ng mga lalaking kamag-anak at kahit pa sa mismong tatay upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari.

Ihiwalay rin ng kwarto na hindi basta-basta napapasok ang mga babaeng anak at hindi na dapat katabing matulog lalo na kung tinedyer na ang mga ito.