--Ads--

CAUAYAN CITY – Ligtas na nasagip ng mga pulis sa Alfonso Lista, Ifugao ang isang sanggol na 1 anyos at 3 buwan na tinangay at iniwan ng kanyang ama sa kagubatan ng barangay Sta. Maria matapos silang mag-away ng kanyang misis dahil sa kanyang pagseselos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PO2 Joseph Ginichon ng Alfonso Lista Police Station na dakong alas otso kagabi nang matanggap nila ang sumbong hinggil sa ginawa ng suspek na si Rosito Balut sa kanyang anak.

Tinangay umano ni Balut, 25 anyos at vulcanizer ang kanyang anak mula sa kanyang kinakasama matapos silang mag-away dahil sa kanyang matinding pagseselos.

Sinabi ni PO2 Ginichon na iniwan ng ama ang kanyang anak sa may bulldozer na nasa masukal na bahagi ng lugar.

--Ads--

Dahil madilim ay hindi agad nila natagpuan ang sanggol na gumapang at nakalayo ng 10 metro patungo sa sagingan.

Natukoy nila ang kinaroroonan ng sanggol dahil sa kanyang pag-iyak.

Ang ama ng bata na armado umano ng pana ay tumakbo kaya hindi nila nadakip.

Agad na dinala ng mga pulis sa ospital ang sanggol para ipasuri ngunit maayos ang kanyang kalagayan.

Dinala ng mga pulis ang sanggol at kanyang ina na si Joy, 20 anyos sa himpilan ng pulisya para sa kanilang kaligtasan dahil maaaring balikan sila ng suspek.

Sinabi ni Joy na hindi naman sila kasal ni Balut kaya hihiwalayan na niya ito dahil sa pananakit sa kanya kapag siya ay nasa impluwensiya ng alak.

Bihira na siya umanong lumalabas sa kanilang bahay dahil sa matinding pagseselos ni Balut.

Nagseselos umano ang suspek kahit mga kamag-anak niyang lalaki ang kanyang kausap.