CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang ama habang nasa kritikal na kalagayan ang anak matapos silang pagsasaksakin sa Rizal, Santiago City.
Ang mga biktima ay sina Roel Fabro, 46 anyos at anak niyang 15 anyos , kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Ang suspek ay si Jeffrey Pusilero, 27 anyos at residente ng San Antonio, Ramon Isabela at stepson ni Fabro.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office (SCPO) Station 2, bago ang insidente ay dumalo sa isang pagdiriwang ng kaarawan ang suspek at mga biktima at nagkaroon ng inuman sa magkahiwalay na mesa.
Nagkayayaan ang binatilyo at suspek na maglaro ng arm wrestling o bunong braso at natalo si Pusilero ng tatlong beses.
Dahil dito ay inasar ng menor de edad ang kanyang kuya na noong malaki ang katawan nito ay tinatalo siya ng suspek ngunit ngayon na malaki na rin ang katawan niya ay kayang-kaya na siyang talunin.
Nainis ang suspek at hinamon ng suntukan ang menor de edad na biktima.
Nagsuntukan ang dalawa at nakita ito ni Roel Fabro na ama ng menor at amain ng suspek.
Inawat niya ang anak at stepson ngunit habang nasa proseso ng pagpapahiwalay sa dalawa ay bigla siyang pinagsasaksak ng suspek.
Nakatakbo naman ang menor de edad ngunit hinabol siya ni Pusilero at sinaksak din ng paulit ulit.
Dinala sa osptal ang mag-ama ngunit idineklarang dead on arrival si Fabro habang ang anak ay inilipat sa Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Ang suspek ay kasalukuyan nang pinaghahanap ng pulisya dahil tumakas matapos ang pananaksak.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Gigi Domingo, ina ng suspek, sinabi niya na maliban sa pagkainis ng suspek sa pagkatalo sa laro nila ng kapatid ay wala siyang alam na alitan ng mga ito.
Tanging ang kinakasama niya at suspek ang may alitan dahil ninakaw ng anak ang mga kalapati ng kanyang kinakasama
Aniya, hindi dumadalaw sa kanila ang kanyang anak kaya nagulat sila ng dumating sa birthday celebration ng kanilang kapitbahay.
Hindi rin nila akalain na may dala siyang patalim.
Nanawagan ang ginang sa kanyang anak na sumuko na sa mga otoridad