
CAUAYAN CITY – Umapela ng tulong sa pamahalaan ang isang ama sa San Mariano, Isabela para sa kanyang anak na tumakas sa bahay ng mga amo sa Dubai dahil sa pagmamaltrato sa kanya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Emil Bugina, residente ng Zone 3, San Mariano, Isabela ay nanawagan siya ng tulong para sa anak na si Emergie, 39 anyos at nakaranas ng pagmamalupit ng kanyag amo at mga anak nito na kanyang inaalagaan.
Ayon kay Ginoong Bugina, napag-alaman niya sa kanyang anak na kinakagat at pinapalo siya ng tatlong alagang bata na nasa 9 anyos pababa.
Kapag nagsusumbong ang mga bata sa kanilang ina ay sinasaktan din siya.
Bukod dito ay pinagtatrabaho rin siya kahit mayroon siyang sakit.
Halos dalawang buwan na sa Embahada ng Pilipinas sa Dubai si Emergie mula nang tumakas sa kanyang employer kasama ang ilang Overseas Filipino Workers (OFW’s).
Ayon kay Ginoong Bugina, nakakausap niya ang kanyang anak sa pamamagitan ng hinihiram na cellphone sa isang kasama dahil kinuha umano ng embassy ang kanyang cellphone.
Wala umanong nadalang gamit si Emergie nang tumakas sa kanyang amo kaya’t humihiram sa mga kapwa Pinay tulad ng damit at tsinelas.
Hiniling ni Ginoong Bugina ang tulong ng pamahalaan para makauwi na ang anak at mga kasamang OFW’s na nasa embahada ng Pilipinas.










