Nananatili sa intensive care unit o ICU ng isang ospital sa Cebu si Thomas Markle, ang ama ni Meghan Markle, matapos itong sumailalim sa isang emergency surgery.
Si Thomas, na lumipat sa Cebu kasama ang kanyang anak na si Thomas Jr., ay naiulat na nasa kritikal na kondisyon noong Martes, kaya agad siyang dinala sa ospital.
Ayon sa anak nitong si Thomas Jr. dinala nila ang ama sakay ng isang ambulansya, papunta sa mas malaking ospital sa sentro ng siyudad.
Sumailalim ang ama nito sa isang emergency surgery.
Umabot ng tatlong oras ang isinagawang operasyon, at nakatakda pa umanong sumailalim si Thomas sa isa pang procedure upang tanggalin ang namuong dugo o blood clot.
Apela pa nito sa lahay na isama ang kanyang ama sa kanilang mga dasal.
Matatandaang ilang seryosong problemang pangkalusugan na rin ang naranasan ni Thomas sa mga nakaraang taon, kabilang ang dalawang atake sa puso at isang major stroke noong 2022.
Noong Oktubre, muling naging laman ng balita si Thomas matapos niyang pabulaanan ang umano’y pagkaka-stranded niya matapos ang 6.9-magnitude na lindol na tumama sa Cebu.
Si Thomas at Meghan ay estranged mula pa noong 2018, ang taon na ikinasal ang dating Hollywood actress kay Prince Harry, anak ni Britain’s King Charles III at ng yumaong Princess Diana.
Naiulat na lumipat sa Pilipinas sina Thomas at Thomas Jr. noong Mayo ng kasalukuyang taon.







