--Ads--

Kinumpirma ng mga Iranian media na nasawi ang anak na babae, manugang, at apo ng Supreme Leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei matapos ang isinagawang airstrike ng Estados Unidos at Israel sa isang compound sa Tehran.

Batay sa ulat ng Fars News Agency at iba pang lokal na media sa Iran, kabilang umano ang mga miyembro ng pamilya ng lider sa mga nasawi sa naturang pag-atake. Ayon sa mga source na malapit sa loob ng tahanan ng Supreme Leader, nakumpirma ang kanilang pagkamatay matapos ang insidente.

Ikinasa umano ng Estados Unidos at Israel ang joint combat operations laban sa Iran, na layong pahinain ang liderato at kakayahang militar ng rehimeng Ayatollah.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Khamenei tungkol sa kanyang sariling kalagayan. Gayunman, nauna nang sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na may mga indikasyon na maaaring kabilang din ang Supreme Leader sa mga nasawi sa nasabing pag-atake.

--Ads--

Samantala, iginiit ng ilang opisyal ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) na buhay pa si Khamenei at ang mga ulat tungkol sa kanyang pagkamatay ay bahagi lamang umano ng “psychological warfare” ng Israel at Estados Unidos.

Patuloy ang paghihintay ng pandaigdigang komunidad sa opisyal na kumpirmasyon habang nananatiling mataas ang tensyon sa Gitnang Silangan.