Nagwagi ng silver medal ang pitong taong-gulang na si Amanda Uy, anak ng Alkalde ng Aurora, Isabela sa katatapos na Thailand International Mathematical Olympiad (TIMO).
Ang naturang kompetisyon ay ginanap sa Muang Thong Thani, Bangkok, Thailand nitong ika-6 hanggang ika-8 ng Pebrero na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa 20 bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Aurora Mayor Joseph Christian “Niño” Uy, sinabi niya na labis ang kanilang tuwa sa nakamit na tagumpay ng kanilang anak.
Aniya, sa loob ng ilang buwan ay halos araw-araw na naglaan ng oras si Amanda sa paghahanda para sa naturang kompetisyon dahilan upang isa siya sa mga nakasungkit ng silver medal sa mahigit isanlibong kalahok mula sa iba’t ibang bansa.
Sulit aniya ang lahat ng pagsisikap na iginugol ng kaniyang anak lalo na at ito ang unang international competition na kaniyang nilahukan.
Pag-amin ng Alkalde, may panghihinayang siyang naramdaman dahil hindi siya nakadalo sa mismong araw ng kompetisyon dahil naitaon na kasabay nito ang isinagawang Medical at Surgical Mission sa bayan ng Aurora.
Nagbiro pa siya na manang-mana umano si Amanda sa kaniyang Ina subalit kung nagkataon na sa kaniya ito nagmana ay baka naging gold medalist pa aniya ito.





