CAUAYAN CITY – Naging tensiyonado ang pagsisilbi ng mga awtoridad ng search warrant sa isang bahay sa Sillawit, Cauayan City matapos na akusahan ng drug suspect at pamilya nito na set up o itinanim ang illegal na droga na nakuha sa kanilang bahay.
Ang inaresto ay si Erickson Coloma, 54 anyos, may asawa at residente rin ng naturang barangay.
Nakuha sa kanilang bahay ang limang maliliit na sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit 3,000 pesos, 7 piraso ng nagamit nang aluminum foil at lighter na nakabalot sa pulang facemask.
Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek na si Coloma, iginiit niya na frame up ang nangyari dahil kunwari lamang na nagsagawa ng search warrant ang mga awtoridad ngunit sa katunayan ay itinanim nila ang iligal na droga.
Aniya, pasado alas siete kagabi habang natutulog sila ng kanyang mga anak nang pwersahan umanong pumasok ang mga awtoridad sa kanilang bahay at isinara pa ang kanilang bakod.
Nagulat na lamang sila nang napapalibutan na sila ng mga pulis at pinalabas sa kanilang bahay.
Mariin niyang itinanggi na sa kanya ang nakuhang iligal na droga dahil hindi o siya sangkot sa iligal na droga.
Nanindigan naman ang 13 anyos na dalagitang anak ng suspek na hindi sa kanyang tatay kundi inihagis lamang ang facemask na naglalaman ng iligal na droga at mga drug paraphernalia sa loob ng kanilang kwarto.
Aniya, habang ginigising nito ang kanyang bunsong kapatid ay biglang binuksan ng isang naka-unipormeng pulis ang kanilang bintana at at inihagis ang facemask na naglalaman ng mga kontrabando.
Hindi na lamang niya pinansin kung ano ang laman ng inihagis ng pulis dahil pinapamadali silang lumabas sa kanilang kwarto.
Iginiit pa ng menor de edad na tinakot din umano siya ng mga pulis na aarestuhin kung hindi niya bibilisan ang paglabas sa kanilang bahay.
Si Coloma ay kabilang sa mga drug surrenderee noong 2016.
Samantala, handang harapin ng Cauayan City Police Station ang akusasyon na pagtatanim ng ebidensya ng kanilang mga operatiba matapos ang tensiyonadong pagsisilbi ng search warrant sa barangay Sillawit.
inaresto ng mga operatiba ng Cauayan City Police Station si Coloma matapos na masamsam sa kanyang bahay ang isang facemask na naglalaman ng iligal na droga at mga drug paraphernalia.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Scarlette Topinio, Information Officer ng Cauayan City Police Station, may due process silang sinusunod at hinamon ang suspek na patunayan na lamang sa korte ang kanyang akusasyon dahil handa nila itong harapin.




