--Ads--

Umabot sa P64 milyon ang naitalang pinsala sa agrikultura sa pananalasa ng bagyong Nika sa Angadanan Isabela kaya isinailalim na rin ang bayan sa state of calamity.

Bago pa man ipatupad ang state of calamity sa buong lalawigan ng Isabela ay una nang idineklara ang state of calamity sa bayan ng Angadanan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Joelle Mathea Panganiban, sinabi niya na sa isinagawang damage assessment ng MDRRM Council ng kanilang bayan ay marami ang naapektuhan sa anim na magkakasunod na bagyo.

Batay sa assessment umabot sa 1,229 ang naitalang partially damaged na mga bahay at nasa 58 naman ang totally damaged sa pananalasa ng bagyong Nika.

--Ads--

Nasa 25 barangay naman ang binaha at 17 barangay ang na-isolate dahil sa pagbahang dulot ng Super Typhoon Pepito.

Maliban aniya sa mga kabahayan ay marami ring nasirang kabuhayan lalo na sa sektor ng agrikultura.

Aniya nasa P64.4 milyon ang naitalang pinsala sa agricultural crops habang nasa P20.5 milyon naman ang naitalang pinsala sa imprastraktura sa pananalasa ng bagyong Nika habang nagpapatuloy pa ang assessment sa naging pinsala ng bagyong Pepito.

Dahil dito ay inaprubahan ng MDRRM Council ng Angadanan ang Municipal Resolution no. 2024-99 na nagsasaad na ang buong bayan ay under state of calamity dahil sa malawakang pagbaha.

Matapos isailalim sa state of calamity ang bayan ay magsisimula namang mamahagi ng assistance ang lokal na pamahalaan sa mga pamilyang nabaha at nasiraan ng bahay dahil sa bagyong Nika at Pepito.

Ayon kay Mayor Panganiban ang gagamiting pondo ay mula sa kanilang quick response fund o QRF at sa regular na budgeted funds ng local government unit o LGU.