--Ads--

CAUAYAN CITY – Muling nakapagtala ng mga panibagong kaso ng African Swine Fever o ASF ang bayan ng Angadanan, Isabela kaya mas naghigpit na ang mga ASF monitoring sa bawat barangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Glenn Baquirin, Municipal Agriulturist ng Angadanan Isabela sinabi niya na agad silang nagsagawa ng culling nang mabalitaan ang pagkakasakit ng mga alagang baboy sa Brgy. La Suerte at kalapit nitong barangay.

Umabot sa dalawamput tatlong baboy ang na-cull sa La Suerte, Buena Vista at Calusutan mula sa siyam na hograisers sa nasabing mga barangay.

Aniya dahil nasa looban ang nasabing mga barangay, posibleng nakuha ang virus sa mga binibiling frozen meat ng nagbabarbecue sa Brgy. La Suerte na unang nakapansin na matamlay na ang kanyang mga alagang baboy.

--Ads--

May nakapagsabi ring may nagbenta ng karne sa Brgy. La Suerte mula sa karatig nitong barangay kaya isa rin ito sa tinitingnan nilang rason.

Dahil sa pagkakatala ng kaso ay mas naghigpit na ang municipal agriculture sa mga entrance at exit points sa lahat ng mga barangay ng Angadanan.

Mula noong sabado ay hindi na sila nagpapapasok ng mga karne ng baboy at mga processed foods mula sa karne ng baboy.

Ipinagbabawal na rin ang pagrorolling o pag-iikot sa mga barangay para magbenta ng karne upang maiwasan ang pagkalat ng virus.