Tinututukan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Isabela, katuwang ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies, ang patuloy na presensya ng mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Intelligence Agent V Jojo Gayuma, Provincial Officer ng PDEA Isabela, sinabi nito na tuloy-tuloy ang kanilang monitoring at operasyon upang matunton ang mga tinutukoy na drug personalities sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Agent Gayuma, nagpapatuloy ang koordinasyon at pinagsanib na pwersa ng mga awtoridad upang mas mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon.
Kasabay nito, nagpaalala ang PDEA Region 2 sa publiko na huwag gawing dahilan ang kahirapan upang masangkot sa ilegal na droga, dahil maaari itong magresulta sa pananagutang kriminal kapag napatunayang lumabag sa batas.
Binigyang-diin pa ng opisyal na mahalagang umiwas sa mga iligal na gawain at makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa komunidad.
Kaugnay rito, ganito ang naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Intelligence Agent V Jojo Gayuma
Sa kabila nito, kinikilala ng ahensya na nananatiling hamon ang tuluyang pagsugpo sa ilegal na droga, kaya patuloy ang kanilang panawagan sa publiko na maging mapagmatyag at responsableng mamamayan.
--Ads--











