Iginiit ng isang anti-mining group sa Dupax del Norte na nanatili silang mapayapa at sumunod sa legal na proseso sa gitna ng pagpapatupad ng Writ of Preliminary Injunction kaugnay sa pagmimina ng Woogle Corporation sa Sitio Keon, Barangay Bitnong, Dupax del Norte kahapon, Enero 13.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Florentino “Bro Tinong” Daynos II, lider ng Anti-Mining Group, payapang naipatupad ang Writ of Preliminary Injunction sa tulong nina Sheriff Robert Malcat at Marites Ranada, mula sa RTC Branch 30 sa Nueva Vizcaya. Naging maayos ang pag uusap ng magkabilang panig, sa tulong kanilang mga abogado, at dahil na rin sa patuloy na pagtutol ng mga residente.
Dagdag pa niya, bilang bahagi ng kompromiso, pumayag ang grupo na alisin ang isang gate at isang bahagi ng barikada bilang pagpapakita ng kanilang pakikipagtulungan, kasunod ng kasunduang hindi na palalalain ang sitwasyon at mapanatili ang kaayusan sa lugar.
Nilinaw rin ni Daynos na taliwas ito sa nangyari noong Oktubre 17, 2025 kung saan nagkaroon umano ng marahas na dispersal lalo na sa kampo ng kapulisan. Kung kaya’t sa pagkakataong ito ay nanatiling maayos at mapayapa ang pagpapatupad ng kautusan ng korte.
Mariin ding itinanggi ng grupo ang mga alegasyong may plano silang gumamit ng karahasan, kabilang ang umano’y paggawa ng mga pampasabog tulad ng Molotov at Pillbox, at iginiit na ang kanilang adbokasiya ay nakabatay sa mapayapang pagkilos at legal na pamamaraan.
Patuloy rin umanong naninindigan ang grupo na hindi papayagang makapasok ang Woogle Corporation sa lugar hangga’t may mga isyung legal na nakabinbin, kasabay ng paghahain ng mga kaso at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor upang palakasin ang kanilang paninindigan.
Nanawagan din si Daynos sa mga lokal na opisyal ng Dupax del Norte, kabilang ang mga miyembro ng sangguniang bayan at iba pang halal na opisyal, na makinig at makiisa umano sa hinaing ng taumbayan, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa kalikasan at kabuhayan.
Home Local News
Anti-Mining Group sa Dupax del Norte, iginiit ang mapayapang paninindigan laban sa operasyon ng minahan
--Ads--











