Iginiit ng isang constitutionalist na mahalagang marating ng panukalang Anti-Political Dynasty Bill ang plenaryo bago ito pagbotohan, upang mabigyang-linaw ang mga isyu at mapagdesisyunan nang maayos.
Aniya kailangang tutukan at bantayan ng publiko ang proseso dahil may iba’t ibang bersyon at pananaw hinggil dito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst at constitutionalist, sinabi niya na muling nagbukas ng diskusyon sa regulasyon o pagbabawal sa magkakamag-anak sa politika ang pagsisimula na ng Kamara sa pagdinig sa Anti-Political Dynasty Bill.
Ipinaliwanag niya na may mga panukalang nagsusulong ng total ban sa political dynasties, habang ang iba naman ay nais lamang ipagbawal ang pagpapalitan o sunod-sunod na pagtakbo ng magkakamag-anak sa iisang posisyon.
Aniya, nasa yugto pa lamang ng obserbasyon ang panukala kaya mahalagang malinaw muna kung ano ang tunay na nais ng mga Pilipino bago ito dalhin sa plenaryo.
Nagbabala si Atty. Yusingco na maaaring maging labag sa Konstitusyon ang isang total ban dahil ang pangunahing pinahahalagahan ng Saligang Batas ay demokrasya.
Bagama’t maaaring i-regulate ang karapatang tumakbo sa halalan, may argumento umanong hindi ito maaaring ipagbawal nang tuluyan. Dagdag pa niya, mas angkop sa Konstitusyon ang regulasyon tulad ng pagbabawal sa sabay-sabay na pagtakbo ng magkakamag-anak sa halalan.
Aniya, dapat isang miyembro lamang ng pamilya ang pahintulutang tumakbo kada electioon.
Sinabi rin ni Atty. Yusingco na ang panahong ito ay mahalagang pagkakataon na buksan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang usapin, at hinikayat ang publiko na bantayan ang proseso nito upang masiguro na hindi na naman mauuwi sa limot ang panukalang batas.











