--Ads--

Itinuturing ng isang eksperto sa constitutional law na isang political gamble ang maagang pag-aanunsyo ni VP Sara Duterte ng kanyang planong tumakbo sa pagka-pangulo sa 2028 elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Cayosa, isinabay ni Duterte ang kanyang deklarasyon sa panahon ng sunod-sunod na impeachment complaints laban sa kanya, na tumutukoy sa umano’y misuse ng confidential funds, betrayal of public trust, graft, at iba pang high crimes.

Isa pa rito ang ikaapat na reklamo na isinampa noong mismong araw ng kanyang anunsyo.

Aniya, maaaring layunin ni Duterte na matinag ang ilang miyembro ng Kongreso at baguhin ang takbo ng politika. Kung sakaling siya ay maging pangulo, posibleng balikan ang mga desisyon o isulong ang karagdagang aksyon laban sa mga mambabatas na sangkot sa impeachment process.

--Ads--

Gayunpaman, pinuna ng ibang observer na ang hakbang ay posibleng magamit bilang “shield” upang iwasan ang pananagutan at ma-frame ang impeachment bilang isang political attack sa halip na lehitimong usapin.

Patuloy pa rin ang pagsusuri ng House Committee on Justice sa mga impeachment complaints, at hindi ito natigil dahil sa deklarasyon ni Duterte. Ilang mambabatas ang nagsabi na nagpapatuloy ang proseso ayon sa tamang timetable.

Ayon sa eksperto, sa kasaysayan, ang mga pulitikong maagang nag-aanunsyo ng kandidatura sa pagkapangulo ay mas matinding sinusuri ng publiko at kapwa pulitiko, at madalas nagiging target ng mas agresibong kampanya at isyu.

Ang ganitong panganib ay maaaring makaapekto sa political agenda ng isang kandidato, dahil bawat galaw ay tinutukan at binibigyan ng iba’t ibang interpretasyon, mula sa maagang pangangampanya hanggang sa posibleng paggamit ng posisyon para sa personal na interes.

Sa kabila nito, binigyang-diin ni Cayosa na magaling ang taktika ng grupo ng mga Duterte, kaya posibleng pinag-aralan ang hakbang bago ito inilunsad. Ito ay nagpapakita ng maingat na pagpaplano, kahit na may kasamang mataas na political risk.