--Ads--

CAUAYAN CITY – Isinailalim sa limang araw na localized lockdown ang apat na barangay sa lunsod dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa inilabas na executive order no. 20 series of 2021 ng pamahalaang lunsod ay isinailalim sa localized lockdown ang mga barangay ng Bagong Silang, Pilar, Arusip at Poblacion simula alas otso kagabi hanggang sa alas otso ng gabi ng ikalabing siyam ng Agosto.

Layon ng naturang hakbang na mapigilan ang pagdami pa ng kaso sa mga naturang barangay.

Mahigpit na lilimitahan ang paggalaw ng mga tao at tanging ang mga pinapayagan lamang na makalabas o kabilang sa essentials ang maaring lumabas.

--Ads--

Ang pagdadala ng essential goods ay hanggang sa mga entry points lamang at ang mga opisyal na ng barangay ang magdadala sa mga may-ari.

Magsisimula naman ng alas otso ng gabi hanggang alas singko ng umaga ang curfew hours at ipapatupad din ang liquor ban habang umiiral ang lockdown.

Tiniyak naman ng pamahalaang lunsod na mabibigyan ng ayuda ang mga maaapektuhan ng lockdown.