
CAUAYAN CITY – Naitala ang apat na kaso ng incest mula buwan ng Agosto hanggang Setyembre ngayong taon sa bayan ng San Mariano Isabela.
Kabilang sa naitala ang isang labinlimang taong gulang na dalagita ang ginahasa ng kanyang tiyuhin at nagdadalang tao na ngayon habang may isa naman na ginahasa ng kanyang kapitbahay habang siya ay buntis.
Sa ngayon ay nakasampa na sa korte ang mga kasong ito habang dalawang kaso rin ng panggagahasa sa dalawang Persons with Disability o PWD ang patuloy na inaasikaso at sinusubaybayan ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO katuwang ang Women and Children Protection Desk o WCPD San Mariano Police Station at Municipal Health Office.
Sa naging pag-uulat ni Municipal Health Officer Fatima Telan sa pulong ng pamahalaang lokal, ang mga biktima ng nangyaring incest case sa bayan ng San Mariano mula buwan ng Agosto hanggang Setyembre ngayong taon ay binibigyan nila ng pinansyal na tulong para sa pagpunta nila sa korte at makadalo sa hearing ng kanilang mga kaso.










