Apat na katao ang sugatan matapos masangkot sa isang insidente ng banggaan na nagresulta sa kasong multiple physical injuries at damage to property sa kahabaan ng National Highway, Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Batay sa ulat ng pulisya, ang pangunahing sangkot sa insidente ay ang driver ng isang Isuzu Euzro 125 na kulay pula, na walang lisensiya at rehistro, na kinilala sa alyas na “Carlo,” 18-anyos, binata at residente ng Cauayan City.
Isa sa mga nasugatan ay kinilalang si “Jane,” 26-anyos, pasahero ng nasabing sasakyan at tubong Metro Manila. Sugatan din ang isa pang pasahero na kinilalang si “Joshua,” 28-anyos, binata at residente ng Cauayan City.
Samantala, ang isa pang sasakyang sangkot sa insidente ay isang Honda City na kulay maroon, na minamaneho ng isang lalaking kinilala sa alyas na “Carlos,” 28-anyos, binata at residente rin ng Cauayan City, na kabilang din sa mga nagtamo ng sugat sa insidente.
Ayon sa paunang imbestigasyon, binabaybay ng Isuzu ang national highway patungong Ilagan City nang mabangga ito ng Honda City na nagmula sa kasalubong na direksyon. Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon ang Isuzu at nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga sakay nito.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad at dinala ang apat na sugatan sa isang pribadong ospital sa lungsod upang mabigyan ng agarang lunas medikal. Ayon sa paunang ulat, pawang minor injuries ang tinamo ng mga biktima, habang naitala rin ang malawakang pinsala sa dalawang sasakyan.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pananagutan ng bawat sangkot sa insidente.











