CAUAYAN CITY – Nasawi ang apat na katao matapos na mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang boom truck sa Barangay Sangbay, Nagtipunan, Quirino.
Nahulog sa sampung metrong lalim na bangin ang Mitsubishi boom truck na minaneho ni Florante Barayuga, apatnaput dalawang taong gulang at residente ng Brgy. San Andres, Santiago City at sakay sina Marco Valdez, site engineer, Marbil Medes, security guard, kapwa residente ng Brgy. Sta. Rosa, Santiago City; Sonny Regatan at Daisy Regata, parehong residente ng bayan ng Dinapigue at sina Rogelio Neverio, foreman, at Henry Baldoza, welder, kapwa residente naman ng Bulan, Camarines Sur.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya may kargang mga construction materials ang Boom truck at pauwi na sana sa lalawigan ng Isabela ang mga biktima mula sa bayan ng Dinapigue nang makarating sa pababa at pakurbang bahagi ng kalsada ay hindi gumana ang preno ng sasakyan kaya dumeretso ito sa bangin.
Nagtamo ng malalang sugat sa katawan ang mga biktima kung saan dead on arrival sa ospital ang tsuper na si Barayuga at pasahero nito na si Daisy Regatan.
Habang sumunod na binawian ng buhay ang Foreman na si Neverio habang sa sumunod na araw ay tuluyanng nasawi ang welder na si Baldoza.
Muli namang pinaalalahanan ng pulisya ang mga motorista na ugaliiang ikondisyon ng mabuti ang sasakyan para makaiwas sa aksidente.