--Ads--

Matapos makabuwelo ng lagpas 2 linggo, magpapangbuno na sa wakas ang natitirang 4 na koponan para sa unang sultada ng inaaabangang 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup semifinals ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.

Bubungad sa Final Four ang unang sagupaan ng Talk ‘N Text at Rain or Shine sa alas-5 ng hapon bago ang sabong ng Gin Kings at Batang Pier sa alas-7:30 ng gabi.

Galing sa mahabang pahinga ang 4 na koponan upang magbigay-daan sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa huling window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers.

Ilan sa mga sumalang dito ay sina Justin Brownlee, Scottie Thompson, Japeth Aguilar at Jamie Malonzo ng Ginebra pati na si Calvin Oftana ng TNT para sa koponan ni coach Tim Cone, na mentor din ng Gin Kings sa PBA.

--Ads--

Bago ang PBA break para sa Gilas ay nangga­ling sa magkakaibang daan sa quarterfinals ang 4 na koponan kaya siguradong napaghandaan ang isa’t isa para sa best-of-seven Final Four duel.

Isang laro lang ang kinailangan ng No. 1 seed na NorthPort at No. 2 seed na Talk ‘N Text na armado ng twice-to-beat advantage upang ilaglag agad ang No. 8 na Magnolia, 113-110, at No. 7 na Hong Kong Eastern, 109-93, ayon sa pagkakasunod.

Noon pang Pebrero 7 ang huling laban ng 2 top seeds kaya mas mahaba ang pahinga kontra sa No. 4 Ginebra at No. 6 na Rain or Shine na kinailangan ng 3 laro para makatakas sa quarterfinals kontra sa No. 5 na Meralco at No. 3 na Converge, ayon sa pagkakasunod.

Wagi ang Gin Kings kontra sa Bolts, 94-87, habang nakumpleto ng Elasto Painters ang reverse sweep kontra sa Fiber­Xers sa Game 3, 112-103, noong Pebrero 9.