Umabot sa apat na pamilya na binubuo ng 19 na indibidwal sa Camp 7, Kennon Road, Baguio City ang lumikas matapos ang pagguho ng mga malalaking tipak ng bato sa lugar.
Kasama sa mga lumikas ang may-ari ng bahay na tinamaan ng malaking bato.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Punong Barangay Angelina Ramos, sinabi niyang ito ang unang pagkakataon na may bumagsak na dambuhalang bato mula sa bundok. Nagsimula anya ang pagbagsak ng mga bato nang simulan ng isang pribadong kumpanya ang pagde-develop at pag-e-excavate sa bundok para sa planong sementeryo.
Itinigil na ang proyekto dahil sa kawalan ng seguridad sa implementasyon.
Sa panayam kay Engr. Charles Carame ng City Disaster Risk Reduction Council, bandang ala-una ng hapon bumagsak ang unang malaking bato at tumama ito sa isang kotse at bahay. Makalipas ang 30 minuto, may kasunod pang mas malalaking bato ang bumagsak.
Sa kabutihang palad, walang nasaktan sa insidente. Gayunman, nasawi naman ang isang alagang aso sa insidente.
Itinuturing naman ito bilang isa sa pinakamapanganib na pagguho sa Baguio ngayong tag-ulan.
Bunsod nito, nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na huwag dumaan sa Kennon Road kung hindi residente roon dahil sa patuloy na banta ng pagguho.











