Umabot na sa 9,530,350 katao o katumbas ng 2,599,712 pamilya ang naapektuhan ng magkakasunod na Southwest Monsoon o Habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Sabado.
Ayon sa pinakahuling situational report, 7,524 pamilya o 28,703 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa 273 evacuation centers, habang 12,004 pamilya o 40,729 katao naman ang tinutulungan sa labas ng mga evacuation centers.
Samantala, 37 na katao ang naiulat na nasawi dahil sa sama-samang epekto ng mga nasabing weather disturbances. Sa bilang na ito, 5 ang kumpirmado o validated, habang 32 pa ang isinasailalim sa beripikasyon.
Mayroon ding 32 sugatan, kung saan 24 ang validated na at 8 pa ang pending validation. Apat sa walong naiulat na nawawala ang kumpirmado, habang ang natitirang apat ay patuloy na bineberipika.
Sa pinsala naman sa imprastruktura, iniulat ng NDRRMC na 815 kalsada at 43 tulay ang naapektuhan.
Umabot sa 88,492 kabahayan ang nasira sa mga sumusunod na rehiyon: Region 1, Region 2, CAR, Region 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, Region 6, NIR, Region 7, Region 9, Region 10, Region 11, Region 12, CARAGA, at BARMM.
Sa sektor ng agrikultura, tinatayang nasa ₱3.15 bilyon ang halagang nawala sa produksyon, na nakaapekto sa 98,307 magsasaka at mangingisda.
Samantala, tinatayang ₱16.5 bilyon ang kabuuang pinsala sa imprastruktura sa mga rehiyong: Region 1, Region 2, CAR, Region 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, Region 6, NIR, Region 10, at Region 12.
Higit 1.75 milyong pamilya ang nangangailangan ng tulong, na may katumbas na halaga ng ayuda na umaabot sa ₱1.28 bilyon. Sa ngayon, 1,398,874 pamilya na ang naabutan ng tulong mula sa pamahalaan.
Patuloy ang pagbibigay ng tulong ng gobyerno sa mga apektadong lugar habang isinasagawa ang rehabilitasyon at recovery operations.











