CAUAYAN CITY – Pinalawig ang aplikasyon para sa darating na Civil Service Exam (CSE) sa buwan ng Agosto ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rewina Arugay, Director 2 ng CSC Isabela Field Office, sinabi niyang hindi nila nakamit ang mahigit anim na libong quota sa Isabela kahapon.
Hanggang noong Huwebes ay umabot sa mahigit 4,100 ang nagpalista para sa CSE.
Dahil dito ay magpapatuloy ang aplikasyon hanggang sa susunod na linggo, sa lungsod ng Ilagan.
Hindi naman ipagpapatuloy ang aplikasyon sa Cauayan City dahil hanggang ngayong linggo lamang ang schedule ng kanilang mga kawani.
Hinikayat naman niya ang mga hindi pinalad na makapasa noong Marso na maghain muli ng kanilang application.
Naging matumal aniya ang aplikasyon ngayon kumpara sa mga nakaraan na agad na nakakamit ng ahensya ang kanilang itinakdang quota.
Malalaman kung makakapag-exam ang mga naghain dalawang linggo bago ang pagsusulit sa August 20 ngayong taon sa pamamagitan ng ipapadalang text sa number na inilagay ng aplikante sa inihain nilang form.
Samantala wala pa namang venue kung saan gaganapin ang exam sa buwan ng Agosto.