--Ads--

Tuluyan nang bumigay ang approach ng Sipat Bridge sa pagitan ng District 3 at Labinab, Cauayan City kaya’t pinayuhan ang mga motorista at residente na gumamit ng mga alternatibong ruta patungong West Tabacal.

Kung matatandaan, una nang nilagyan ng vertical clearance ang tulay dahil sa soil erosion sa ilalim ng approach nito. Ngunit ngayong gabi, tuluyan nang bumigay ang approach ng tulay bunsod ng malakas na agos ng tubig dulot ng patuloy na pag-ulan.

Agad namang naglagay ng bantay ang mga otoridad upang pigilan ang mga motorista na dumaan sa tulay. Pumunta rin agad sa lugar si Mayor Caesar Jaycee Dy Jr. upang magsagawa ng inspeksyon at magplano kung ano ang nararapat na gawin sa nasirang bahagi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inamin ni Mayor Dy na nakakalungkot ang nangyari, bagamat inaasahan na ang paghina ng integridad ng tulay dahil sa kalumaan nito.

--Ads--

Ayon sa kanya, magpapagawa agad siya ng program of works sa City Engineering Office at makikipag-ugnayan kay Vice Gov. Kiko Dy upang talakayin ang mga priority projects ng lungsod.

Dagdag pa niya, may nakalaan namang emergency fund ang CDRRMO na maaaring gamitin para sa agarang pagsasaayos ng Sipat Bridge, lalo’t ito ang pangunahing kalsada patungong West Tabacal Region.

May pag-uusap na rin aniya sila ng provincial government upang pondohan ang pagpapagawa ng mas malaki at mas malapad na tulay na ipapalit sa Sipat Bridge, na halos 50 taon nang ginagamit at humina na ang estruktura.

Sa ngayon, isinara muna ang tulay sa lahat ng uri ng sasakyan. Pansamantala, maaaring dumaan ang mga motorista sa Minante Uno Research – San Francisco papuntang Dabburab, sa Nungnungan II – Faustino – San Francisco papuntang Dabburab, o sa Sillawit – San Isidro – San Antonio papuntang Sta. Luciana.

Muling pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang publiko na huwag nang tangkaing dumaan sa nasirang tulay upang maiwasan ang anumang panganib.