Umani nang matinding batikos at inakusahan ng animal cruelty ang isang arcade sa Shenzhen, China, matapos nitong gawing premyo ang mga buhay na hamster sa isa nilang claw machine game.
Kumalat sa social media ang mga nakaaawang larawan mula sa Yuekong City arcade kung saan makikita ang mga maliliit na hamster na nagsisiksikan sa isang sulok ng makina. Bukod sa nakakabinging ingay at nakakasilaw na ilaw ng arcade, napilitan din ang mga hayop na takbuhan at iwasan ang claw sa tuwing may nagtatangkang hulihin sila. Ayon sa mga eksperto, labis na sensitibo ang mga hamster sa ingay at siksikan, kaya’t ang ganitong kondisyon ay nagdulot sa kanila nang matinding stress at takot.
Sinubukan ng ilang bisita na i-report ang insidente sa pulisya, ngunit nabigo sila dahil walang umiiral na batas para sa animal welfare sa lungsod. Gayunman, matapos mag-viral at umani ng galit sa publiko ang isyu, tinanggal ng arcade ang nasabing claw machine. Ang ipinalit nila: dalawang bagong makina kung saan buhay na isda at maliliit na pagong naman ang premyo.
Ayon sa isang empleyado, inalis ang mga hamster hindi dahil sa awa sa hayop, kundi dahil maaari silang makasuhan ng paglabag sa disease control and prevention laws dahil wala silang kaukulang lisensiya para gumamit ng nasabing hayop sa loob ng establishment. Sa kasalukuyan, wala pa ring pambansang batas ang China na nagpuprotekta sa mga maliliit na hayop at pets mula sa pang-aabuso.






