--Ads--

SANTA MARIA, Ilocos Sur – Pormal nang tinanggap ni Most Rev. David William V. Antonio, D.D. ang canonical possession para maitalaga bilang Ikawalong Metropolitan Archbishop ng Nueva Segovia sa ginanap na pagdiriwang ng Eukaristiya sa Minor Basilica of Our Lady of the Assumption sa Santa Maria, Ilocos Sur, ngayong Enero 14, Miyerkules.

Pinangunahan ang seremonya ni Most Rev. Charles John Brown, D.D., Apostolic Nuncio to the Philippines, bilang kinatawan ng Holy See, sa pormal na pagtatalaga at pag-aatas ng pamumuno sa isa sa pinakamatandang arkidiyosesis sa bansa.

Dumalo sa okasyon ang mga obispo, pari, opisyal ng pamahalaan, at mga laykong mananampalataya mula sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos Region sa makasaysayang basilika na kinikilalang UNESCO World Heritage Site.

May espesyal na kahulugan ang pagkatalaga ni Archbishop Antonio dahil isa itong homecoming. Ipinanganak siya noong Disyembre 29, 1963, sa Nagtupacan, Santo Domingo, Ilocos Sur, ang lalawigang humubog sa kanyang bokasyon sa paglilingkod sa Simbahan. Ayon sa mga opisyal ng Simbahan, dala niya ang matibay na Ilocano roots at malalim na kaalaman sa kultura ng rehiyong kanyang pamumunuan.

--Ads--

Naordinahan si Archbishop Antonio bilang pari noong Disyembre 1, 1988, para sa Archdiocese of Nueva Segovia. Kinuha niya ang kanyang pag-aaral sa pilosopiya sa San Pablo Seminary sa Baguio City at tinapos ang teolohiya sa Immaculate Conception School of Theology sa Vigan City.

Nagpatuloy siya ng mas mataas na pag-aaral at nagtamo ng Doctorate in Sacred Theology mula sa The Catholic University of America sa Washington, D.C.

Noong 2011, itinalaga siyang Auxiliary Bishop ng Nueva Segovia at itinalagang obispo noong Agosto 26, 2011, na may titular see ng Basti. Mula 2015 hanggang 2023, nagsilbi rin siya bilang Apostolic Administrator ng Apostolic Vicariate of San Jose sa Occidental Mindoro.

Noong 2018, hinirang siya bilang Obispo ng Ilagan, Isabela, kung saan pinagtibay niya ang pastoral outreach, liturgical renewal, at pagpapalakas ng mga lokal na komunidad ng Kristiyano. Nagsilbi rin siya sa mahahalagang tungkulin sa loob ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), partikular sa mga komisyon para sa liturhiya at bokasyon.

Ang instalasyon ngayong araw ang pormal na pagsisimula ng pastoral na pamumuno ni Archbishop Antonio sa Archdiocese of Nueva Segovia, na nagsisilbing metropolitan see ng ilang diyosesis sa Hilagang Luzon.

Ayon sa mga lider ng Simbahan, ang okasyong ito ay sumasagisag sa pagpapatuloy at pagbabago, habang inaasahan ang bagong arsobispo na gagabay sa mga mananampalataya sa gitna ng patuloy na pagbabago sa lipunan, kultura, at espiritwal na hamon ng makabagong panahon.