CAUAYAN CITY – Nilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III na may itatalagang areas of cooperation para sa mga rebeldeng grupo na tutulong sa pamahalaan laban sa Maute Terror Group.
Kasunod ito nang pahayag ni Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Jose Maria Sison na bukas silang tumulong sa pamahalaan para labanan ang terorismo sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Labor Sec. Bello, ang chief negotiator ng government peace panel, tanggap nila ang alok na tulong ng CPP-NPA-NDF upang tuluyang mapuksa ang kaguluhan sa Mindanao,
Aniya, may itatalagang mga lugar kung saan maari lamang gumalaw ang mga rebeldeng grupo upang labanan ang Maute Group.
Paliwanag pa ng kalihim, kailangan pag-usapan ang itatalagang areas of cooperation upang maiwasan na ang mga sundalo at NPA ang magbakbakan.




