--Ads--

Nakatakdang makabalik sa Pilipinas si dismissed Negros Oriental 3rd District na si Arnolfo Teves Jr. matapos siyang sumakay ng eroplanong magdadala sa kanya pabalik mula Timor-Leste ngayong Huwebes.

Sumakay si Teves sa isang Philippine Air Force plane bandang 1:00 ng hapon.

Ang pangyayaring ito ay kasunod ng anunsyo ng Pamahalaan ng Timor-Leste na ipa-deport si Teves, na tinawag nilang “banta sa pambansang seguridad.”

Nagpadala na ng team ang Department of Justice (DOJ) upang asikasuhin ang pagbabalik ni Teves sa bansa.

--Ads--

Ang deportasyon ni Teves ay nangyari matapos siyang arestuhin ng mga immigration authorities ng Timor-Leste nitong Martes ng gabi sa kanyang tirahan sa Dili.

Nahaharap si Teves sa maraming kaso ng murder at frustrated murder sa ilalim ng Revised Penal Code, at pinaghahanap kaugnay ng pagpatay kay Governor Roel Degamo noong 2023, na mas kilala sa tawag na Pamplona massacre.

Matatandaang noong Agosto 2023, si Teves ay nagkaisang pinatalsik mula sa House of Representatives dahil sa matagal na pagliban at hindi angkop na asal, na naging kauna-unahang kaso ng pagpapatalsik mula pa noong 1987.

Nanatiling bakante ang kanyang puwesto hanggang Mayo 2025, kung kailan nanalo sa halalan si Janice Degamo, ang asawa ng pinaslang na gobernador Roel Degamo, bilang bagong kinatawan ng distrito.