--Ads--

Bukas para sa sinuman ang pagdalaw sa ipinagmamalaking artistic tombs sa Nambaran, Tabuk City, Kalinga.

Kahit hindi Undas ay dinarayo ng mga turista ang Nambaran Artistic Cemetery dahil sa kakaiba at nakakaaliw na disenyo ng mga nitso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Aurora Amilig, Public Information Officer ng Tabuk City, Kalinga, sinabi niya na magandang pagkakataon na dumalaw sa naturang sementeryo tuwing Undas dahil nalinisan ang lugar at bagong pintura ang mga nitso.

Dito mas lumalabas ang kaaya-ayang tanawin sa sementeryo na sa unang tingin ay para bang isang themed-park.

--Ads--

Agaw-pansin kasi ang nitso na hugis leon, kalapati, helicopter, sasakyan, at iba pang disenyo na hindi tipikal na nakikita sa mga sementeryo sa Pilipinas.

Ang mga disenyo sa bawat nitso ay sumasalamin sa hilig o request ng isang taong nakahimlay rito nang sila ay nabubuhay pa.

Ayon kay Amilig, batay sa kanilang monitoring ay karamihang mga kamag-anak ng yumao pa lamang ang bumibisita sa lugar subalit inaasahan na marami ring mga turista ang magtutungo rito.

Bagama’t bukas sa publiko ang naturang sementeryo ay kailangan pa rin nilang sundin ang mga umiiral na alituntunin sa lugar upang matiyak ang kanilang kaligtasan.