--Ads--

Kasalukuyan na ang paglilinis sa dinarayong Nambaran artistic tombs sa bahagi ng Tabuk City Kalinga para sa paggunita ng Undas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Information Officer Aurora Amilig ng LGU Tabuk City, sinabi niya na puro talahiban kasi ang paligid ng sementeryo kaya maagang nilinis ng mga pamilyang may mga kaanak na nakalagak dito para naman sa pagdagsa ng mga turista dahil sa mga artistic tombs.

Aniya may mga naidagdag ding mga puntod na may magandang disenyo at kasalukuyan na rin ang pagrepaint sa mga naunang puntod.

Dinarayo ang nasabing sementeryo dahil sa mga makukulay na disenyo ng mga puntod tulad ng barko, chopper, eroplano, cake, sapatos, kabayo, van, gitara at iba pa na naging atraksyon na sa mga dumarayong turista.

--Ads--

Karaniwang depiksyon ng mga disenyo ay mga aspirations ng yumao ang kanilang puntod o kanilang propesyon noong sila ay nabubuhay pa.

Madalas humihinto ang mga dumadaan para mag-selfie o kunan ng larawan ang iba’t ibang disenyo ng mga puntod, na nagbibigay ng saya at kasiyahan sa publiko.

Aniya hindi naman ito kultura ng mga residente kundi nagkaroon lamang ng ripple effect dahil sa naunang nagpagawa ng artistic tomb at ginaya na lamang ng mga pamilyang sumunod na namatayan ng kaanak.

Sa ngayon ay naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng Tabuk City para sa pagdagsa ng mga uuwing resident at dadayong turista sa nalalapit na holiday season.