--Ads--

CAUAYAN CITY – Maituturing pa ring matagumpay ang katatapos na 2024 ASCU-SN Midyear Sports and Socio-Cultural Festival na pinangunahan ng Isabela State University sa kabila ng mga naitalang hindi kanais-nais.

Binawian kasi ng buhay ang isang propesor ng Don Mariano Marcos Memorial State University matapos maglaro ng badminton sa ginanap na 2024 ASCU-SN noong ikatatlo ng Hulyo, 2024.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, presidente ng Isabela State University o ISU System at chairperson ng Regional Association of State Universities and Colleges o RASU, sinabi niya na katatapos maglaro ng nasabing propesor sa larong badminton at nang  ito ay kasalukuyan nang nagpapahinga ay bigla na lamang natumba na agad dinala sa pagamutan ng medical team ngunit dead on arrival na pagdating sa ospital.

Bagamat hindi naging maganda ang pangyayari ay nagpatuloy naman ang mga event hanggang matapos noong ikalima ng Hulyo.

--Ads--

Ipinabatid naman ni Dr. Aquino ang pakikiramay sa Don Mariano Marcos Memorial State University pangunahin sa pamilya ng nasawing propesor na batay sa nakuhang impormasyon, sakit sa puso ang kanyang ikinasawi.

Dahil dito ay plano nilang limitahan ang mga palaro sa mga gurong may edad na upang maiwasan ang hindi kanais-nais na pangyayari.

Tiniyak naman ni Dr. Aquino ang ibibigay na tulong ng kanilang asosasyon sa naiwang pamilya ng nasabing propesor.

Ipinaabot naman niya ang kanyang pasasalamat sa mga taong nasa likod ng event at umaasa siya na nabuo ang isang mas magkakaugnay at nagtutulungang academic community ng mga State Universities and Colleges sa bansa.

Susunod namang magho-host ng ASCU-SN Midyear Sports and Socio-Cultural Festival ang Don Mariano Marcos Memorial State University sa susunod na taon.