Isang asong dachshund sa Texas, U.S., ang nagpakita ng kanyang pambihirang talento matapos siyang magtala ng isang Guinness World Record para sa titulong “most plastic bottle caps removed by a dog in one minute”.
Ang apat na taong gulang na aso na si Jerry ay matagumpay na nakatanggal ng 11 takip ng bote, na opisyal na kinilala ng Guinness. Ginanap ang record attempt noong June 22, kasabay mismo ng kanyang ikaapat na kaarawan. Ang fur mom ni Jerry na si Sathya Priya Easwaran ang nag-organisa ng record breaking event.
Ayon kay Sathya, ang abilidad ni Jerry ay isang “in-built talent” o likas na katangian at hindi resulta ng anumang training. Nagsimula lamang umano ito bilang isang laro hanggang sa naging paboritong libangan na ng aso.
Para kay Sathya, ang tagumpay ni Jerry ay higit pa sa isang pangarap na natupad. Nais din nilang maghatid ng mensahe sa buong mundo.
Ang natatanging record ni Jerry ay hindi lamang nagdulot ng kagalakan sa kanyang pamilya kundi nagpapakita rin na kahit ang mga simpleng libangan ay maaaring magbigay ng pagkilala sa buong mundo.











