CAUAYAN CITY- Patay sa pamamaril ang isang mataas na opisyal ng DepEd sa Barangay San Raymundo sa Jolo, Sulu.
Sinabi ni Gen. Romeo Juan Macapaz, direktor ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, sa mga mamamahayag nitong Sabado na agad na namatay si Sonatria Dandun Gaspar, assistant schools’ division superintendent ng Sulu, dahil sa maraming tama ng bala sa ulo.
Si Gaspar, bilang assistant schools division superintendent ng Sulu, ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng Kagawaran ng edukasyon sa lalawigan.
Ang kanyang bangkay ay inihatid sa pamamagitan ng bangka noong Biyernes sa Zamboanga City para sa agarang paglilibing alinsunod sa tradisyon ng Islam na ilibing ang mga patay sa loob ng 24 na oras pagkatapos ng kamatayan.
Papalabas na sana si Gaspar sa compound ng kanilang opisina sa kahabaan ng Bonifacio Street sa San Raymundo sa Jolo nang may lumapit na lalaki, bumunot ng pistol at paulit-ulit na binaril sa ulo.
Nagmamadaling tumakas ang kanyang salarin sa gitna ng kaguluhan na dulot ng mga putok ng baril na umalingawngaw sa lugar.
Sinabi ni Macapaz na inatasan niya ang mga opisyal ng Jolo Municipal Police Station at Sulu Provincial Police Office na makipagtulungan sa pagtukoy sa pumatay kay Gaspar para sa pag-uusig.