--Ads--

CAUAYAN CITY- Inilunsad ng Agricultural Training Institute (ATI) Regional Training Center 2 ang kauna-unahang Farmers Field School (FFS) na naglalayong sanayin ang mga magsasaka sa prinsipyo ng Good Agricultural Practices (GAP) upang makapagprodyus ng mas ligtas, mas masustansiya, at de-kalidad na low glycemic index (GI) rice.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jhimcelle Salvador, Officer-in-Charge Assistant Center Director ng ATI-RTC 2, sinabi niyang layunin ng programa na makapagprodyus ng GI rice—isang uri ng palay na may mababang sugar content at mas mainam para sa kalusugan ng mga konsumer.

“Kakaiba ito sa karaniwang proseso ng mga rice farmers dahil may mga GAP protocols na kailangang sundin,” paliwanag ni Salvador. Ang pagsasanay ay tatagal ng isang cropping season, at kabilang sa mga unang benepisyaryo ay ang Baro ang Langa Ito Mannalon Farmers Cooperative (BALMACO) sa Gamu, Isabela.

Dagdag pa niya, layunin ng ATI na ma-certify ang mga kalahok bilang GAP Certified Farmers na kilala sa paggamit ng mas ligtas na paraan ng pagsasaka, lalo na sa mas maingat na paggamit ng kemikal.

--Ads--

Ang mga binhi na ginagamit sa programa ay mula sa International Rice Research Institute (IRRI), habang nakipag-ugnayan naman ang Department of Agriculture para siya ring bumili ng mga produkto ng mga magsasaka sa ilalim ng programang ito.