--Ads--

Pumanaw na si dating Executive Secretary at retired general Eduardo Ermita ngayong Oktubre 18, 2025 sa edad na 90, batay sa kumpirmasyon ng kaniyang pamilya sa isang opisyal na pahayag.

Ang anunsyo ay inilathala sa pamamagitan ng isang social media post ni Balayan Mayor Lisa Ermita, anak ng yumaong dating opisyal.

Ayon sa bahagi ng post ni Mayor Lisa Ermita, “It is with profound sadness and heavy hearts that we, the Ermita family, announce the passing of our beloved father, General Eduardo Ramos Ermita (Retired), a dedicated public servant and our guiding light. He passed away peacefully today, October 18, 2025, at 8:00 am, surrounded by his loving family”.

--Ads--

Dagdag pa ng pamilya, naging tunay na haligi si Ermita hindi lamang ng kanilang pamilya kundi ng buong Unang Distrito ng Batangas, na patuloy niyang pinaglingkuran hanggang sa kanyang huling mga araw.

Isinilang si Ermita noong Hulyo 13, 1935 at nagtapos sa Philippine Military Academy. Kilala siya bilang isang sundalo, estadista, at tagapagtaguyod ng kapayapaan.

Noong 1984, pinangunahan ni Ermita ang pakikipag-usap sa mga kumander ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Basilan—isang hakbang na nagbukas sa Tripoli Agreement at sa pinal na kasunduang pangkapayapaan noong 1996.

Maliban sa kanyang papel bilang peacemaker, tatlong termino rin siyang nagsilbi bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Batangas mula 1992 hanggang 2001. Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, hinirang siya bilang Executive Secretary mula 2004 hanggang 2010, at pansamantalang nagsilbing Kalihim ng Tanggulang Pambansa noong 2001 at muli noong 2003.

Isang haligi rin siya ng partidong Lakas–CMD, kung saan naging provincial chairman siya sa Batangas at regional chairman sa Calabarzon mula pa noong 1992.

Nagpasalamat naman ang pamilya sa mga panalangin at pakikiramay mula sa publiko.

Ipapaalam ng pamilya ang mga detalye ng burol at libing sa mga susunod na araw.