--Ads--

Hindi inasahan ni Reina Mercedes Isabela Vice Mayor elect Jeryll Harold Respicio ang desisyon ng Comelec na tanggalin ng Comelec ang suspension sa kanyang proclamation.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Harold Respicio, pinasalamatan niya si Comelec chairman George Garcia dahil sa ginawa umano nito ang tama na sundin ang democratic mandate ng taumbayan sa Reina Mercedes.

Inatasan ng dibisyon ng Comelec ang muling pagpupulong ng Municipal Board of Canvassers upang opisyal na maiproklama si Respicio bilang nanalong Bise Alkalde ng Reina Mercedes, Isabela.

Ang suspensyon ay unang ipinatupad noong May 12, 2025, bunsod ng diskwalipikasyong petisyon na inihain laban kay Respicio ng Task Force Katotohanan, Katapatan, Katarungan, isang unit ng Comelec na nakatutok sa pagsugpo sa maling impormasyon kaugnay ng halalan.

--Ads--

Ang nasabing petisyon ay nag-ugat sa pahayag ni Respicio noong Enero, kung saan iginiit niyang maaaring ma-hack ang automated counting machines (ACMs) ng Comelec para sa nalalapit na 2025 midterm elections. Dahil dito, nagsampa ng kasong cyber-libel ang Comelec laban sa kanya.

Sa kabila ng pag-alis ng suspensyon sa kanyang proklamasyon, binigyang-diin ng Comelec First Division na magpapatuloy pa rin ang pagdinig sa kanyang disqualification case.

Ayon kay Atty. Respicio hindi niya inasahan ang desisyon ng Comelec dahil ilang buwan siyang ginipit ng ibat-ibang kaso.

Hindi naman umano siya nagsisisi sa kanyang mga ginawang pahayag kaugnay sa 2025 Midterm Elections ngunit nagpadala pa rin siya ng sagot o counter affidavit sa mga show cause orders ng Comelec.

Umaasa naman siya na mapapawalang bisa rin ang iba pang kaso na isinampa laban sa kanya pangunahin na ang kanyang disqualification case maging ang umano’y pagpapakalat niya ng fake news dahil ipinaglalaban lamang umano niya ang karapatan ng taumbayan.

Tiniyak niya sa mga mamamayan ng Reina Mercedes ang pagbabago sa pamumuno sa kanilang bayan at pagiging bukas nito sa mga nais ng mga residente sa lokal na pamahalaan.