Nakatakdang isagawa ngayong buwan ng Pebrero ang Autism Consciousness week na bahagi ng autism month.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Jonathan Galutera, Officer-In-Charge ng Persons with Disability Affairs Office ng Cauayan City na sa ikalawa o ikatlong linggo ng Pebrero ay posibleng isagawa ang Autism Consciousness week.
Magkakaroon ng family day ang mga may autism.
Aniya, dahil down syndrome month din ang buwan ng Pebrero ay isinama na nila ito.
Magkakaroon din sila ng family day kasama ang kanilang mga magulang.
Layun aniya nitong maramdaman din ng mga batang may autism at down syndrome na kabahagi sila ng lipunan.
Hinihikayat nila ang lahat nang may ganitong kapansanan na makibahagi sa kanilang selebrasyon.
Samantala, aminado si Galutera na may mga naitatala silang pang-aabuso sa mga may kapansanan na agad naman nilang inaaksyunan.
Aniya, nakasaad sa Republic Act 7277 o magna carta for PWDs na may karampatang parusa sa mga nangungutya sa mga may kapansanan.
Ang unang paglabag ay pwedeng magmulta ng limampong libong piso at maaring makulong ng hanggang anim na buwan
Dito aniya sa lunsod ng Cauayan ay may dalawang pinaghahanap ngayon dahil sa pang-aabuso sa mga PWDs.
Inaanyayahan naman nila ang lahat na nakakaranas ng pag-aabuso na may kapansanan na sumangguni lamang sa kanilang tanggapan o sa kanilang barangay para mabigyan ng aksyon.
Ngayong araw, ikatatlo ng Pebrero ay kasama rin sila sa Una ka Dito Caravam na programa ng pamahalaang lunsod na magsisimula sa barangay Rizal.











