
CAUAYAN CITY – Away sa lupa ang nakikitang posibleng motibo ng Tumauini Police Station sa pagbaril patay sa isang pastora at kanyang angkas sa National Highway ng Brgy. Santa.
Pinagbabaril ng tatlong pinaghihinalaan ang Pastora na si Winnie Ingaran, residente ng Brgy. Anao, Cabagan, Isabela at ang angkas na si Marisa Antonio, residente ng Casibarag Sur, Cabagan, Isabela habang lulan ng motorsiklo at pauwi na sana sa kanilang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMajor Junniel Perez, hepe ng Tumauini Police Station na pinagplanuhan ng mabuti ang ginawang pagpatay at ang target sa pamamaril ay ang pastora at nadamay lamang sa krimen ang kanyang angkas.
Inihayag ng Hepe ng Pulisya na batay sa salaysay ng pamilya ng biktima, mayroon humigit kumulang tatlumpong ektarya ng lupa ng kanilang mga ninuno sa Brgy. Lanna, Tumauini ang pinag-aagawan dahil marami umano ang umaangkin sa lupa .
Ayon pa kay PMajor Perez, batay sa kanilang record ay ilang beses ng nagpa-blotter ang Pastora sa kanilang himpilan dahil sa mga banta sa buhay na natatanggap.
Ayon pa sa Tumauini Police Station nagtamo ng maraming tama ng bala ng Kalibre Kuwarentay Sungkong baril ang mga biktima na karamihan sa tinamo na mga tama ng kalibre kwarentay singkong baril ay sa katawan ng mga biktima at sa ngayon ay patuloy ang pangangalap ng mga ebidensiya ang mga kasapi ng nabanggit na himpilan para sa mabilisang pagtukoy sa mga salarin.










