Arestado ang isang High-Value Individual (HVI) sa ikinasang operasyon laban sa ilegal na droga na isinagawa ng City Intelligence Unit (CIU) ng Santiago City Police Office (SCPO) sa Barangay Mabini, Santiago City.
Kinilala ang suspek na isang 39-anyos na babae, dalaga, isang cashier, at residente ng Malibay, Pasay City.
Sa isinagawang buy-bust operation, nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 53.1 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na ₱361,080.00.
Bukod dito, narekober din ang buy-bust money na binubuo ng dalawang tunay na ₱500 at ₱329,000 boodle money, gayundin ang isang itim na Android phone.
Ang operasyon ay pinangunahan ng CIU ng SCPO bilang lead unit, katuwang ang Police Station 1 at Police Station 4 ng Santiago City Police Office, at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Quirino Provincial Office (QPO) ng Regional Office 2.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Santiago City Police Office ang suspek, kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at paghahain ng kaso kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”











