--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang babae habang sugatan naman ang mister nito matapos bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang baka sa Bypass Road, Barangay Ambalatungan, Santiago City.

Nakilala ang tsuper ng motorsiklo na si  Mark Christopher Pangilinan, 28 years old, habang angkas nito ang kanyang misis na si Claire Anne, 27 years old, at kapwa residente ng Victory Norte, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office – Traffic Enforcement Unit, lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya na binabaybay ng mga biktima ang nasabing lansangan pasado alas sais kagabi patungong Barangay Sinsayon.

Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay mag-oover take sana ang motorsiklo ng mga biktima sa sinusundan nilang sasakyan nang mabangga nila ang baka na tumawid sa kalsada.

--Ads--

Dahil dito ay nawalan ng kontrol ang tsuper at natumba ang sinasakyan nilang motorsiklo. Nagtamo ng malalang sugat ang mga sakay ng motorsiklo na agad namang dinala sa Southern Isabela Medical Center para malapatan ng lunas.

Gayunman, binawian din ng buhay ang angkas ng motorsiklo na si Claire Ann.

Inaasahan namang maghaharap sa himpilan ng pulisya ang panig ng mga biktima at may-ari ng baka.