--Ads--

Pansamantalang isinara ng Archdiocese of Cebu ang Parish Church of San Fernando Rey sa Liloan matapos maganap ang isang krimen sa loob ng simbahan.

Ayon sa ulat ng Liloan Police Station, natagpuan noong Biyernes ng umaga ang bangkay ng isang babae na may mga sugat at marka ng pagkapit sa leeg. Bago ito, nakita umano ng mga saksi ang biktima na pumasok sa simbahan kasama ang isang lalaki at nakarinig din sila ng kaguluhan at sigawan.

Kinumpirma ng mga opisyal ng simbahan na inatake ang biktima sa loob mismo ng simbahan.

Ayon kay Archbishop Albert Uy itinuturing na ang banal na lugar ay nalapastangan dahil sa isang marahas na insidente na nagdulot ng matinding iskandalo at dalamhati sa mga mananampalataya ng Liloan at sa labas nito.

--Ads--

Batay sa Canon Law, ang isang nalapastangang simbahan ay hindi maaaring gamitin para sa divine worship hangga’t hindi ito naisasailalim sa isang penitential rite o ritwal ng pagbabayad-puri, na itinakda ng Obispo ayon sa mga liturgical books.

Inatasan ni Archbishop Uy ang pansamantalang pagsuspinde ng lahat ng pampublikong misa at mga gawaing panrelihiyon sa simbahan hanggang matapos ang kinakailangang proseso ng simbahan.

Ayon sa kanya ito ay upang matiyak ang ganap na pag-aalay muli ng simbahan at maibalik ang dignidad nito bilang tahanan ng panalangin at kapayapaan.

Dagdag pa ng arsobispo, siya, ang mga pari ng parokya, at ang Chancery ang magtatakda ng rite of reparation bago muling buksan ang simbahan.