CAUAYAN CITY – Matagumpay na nagtapos ang isandaan at dalawamput limang bagong sundalo ng 5th Infantry Division, Philippine Army na ginanap sa 5ID Grandstand, Camp Melchor F. Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela kahapon, ikalabing lima ng Disyembre.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office o DPA ng 5TH ID, sinabi niya na kabilang ang mga ito sa Candidate Soldier Course Class 761-2023 na binubuo ng isandaan at sampung lalaki at labing limang mga babae.
Nagmula ang mga bagong sundalo sa iba’t-ibang lalawigan sa Region 2, Cordillera Region, Visayas at maging sa Mindanao.
Isang babae ang namayagpag sa mga nagtapos ng Candidate Soldier Course Class 761-2023 ng 5th Infantry Division Training School sa Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela kahapon, Disyembre 15, 2023.
Nanguna sa CSC CL 761-2023 si Pvt. Carmencita Alberto, dalawamput apat na taong gulang, nagtapos sa kursong Bachelor in Secondary Education, at LET Passer mula sa Conner Apayao na may general average na 92.78%.
Pumangalawa si Pvt. Dan Clifford Barbero, dalawamput isang taong gulang, K-12 graduate, mula sa Bayombong Nueva Vizcaya na may General Average na 91.69% habang pumangatlo naman si Pvt. Van Vincent Garsuta, dalawamput tatlong taong gulang, Bachelor of Science in Electrical Engineering o BSEE undergraduate ng Tagbilaran City, Bohol na may General Average na 91.54%.
Sa Physical Fitness Proficiency Award, nakuha naman ni Pvt. Mark John Aquino, dalawamput apat na taong gulang, K-12 graduate ng Lasam, Cagayan na may General Average na 97.13%.
Naging panauhing pandangal at tagapagsalita naman sa graduation rites si Governor Elias Bulut Jr. ng lalawigan ng Apayao.
Aabot sa dalawamput siyam ang nagtapos mula dito sa lalawigan ng Isabela, labing siyam naman ang mula sa Cagayan at labing apat mula sa lalawigan ng Apayao.
Karamihan sa mga bagong sundalo ay graduate ng K-12 na aabot sa animnaput walo 68, tatlumput isa ang College Graduate, labing siyam ang nasa College Level, anim ang nagtapos sa Vocational School ng TESDA at isa ang Highschool graduate.
Sa ngayon ay nakauwi muna sa kani-kanilang bayan ang mga bagong sundalo upang ipagdiwang ang pasko kasama ang kanilang pamilya at pagkatapos nito ay saka sila babalik para sa kanilang pagkakadestino sa ibat-ibang lugar na sakop ng 5th ID.