Nabisto ng mga awtoridad ang isang ilegal na operasyon ng pagbebenta ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) matapos ang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Cauayan City Police Station (CCPS), Regional Maritime Unit 2, at mga kinatawan ng isang LPG brand sa ilalim ng LPGMA Task Force.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-2:45 ng hapon nitong ika-29 ng Enero sa Purok 4, Barangay Baculod, Cauayan City, Isabela, partikular sa isang tindahan sa nasabing lugar.
Sa operasyon, naaresto ang isang indibidwal na si alyas Lita, 27 taong gulang, dalaga, isang helper, at residente ng Barangay Baculod, matapos mahuling nagbebenta ng isang orange na LPG tank at isang Gas tank kapalit ng dalawang piraso ng tig-isang libong pisong papel na ginamit bilang buy-bust money.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang orange na LPG cylinder na kulang sa timbang at ginamit bilang buy-bust item; isang berde na Gas cylinder na may tamang timbang; labing-apat na berde na Gas cylinder na kulang sa timbang na narekober sa plain view; siyam na bakanteng LPG cylinder; dalawang bakanteng Gas cylinder; at ang buy-bust money.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cauayan CPS ang suspek habang inihahanda ang kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso. Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Department of Trade and Industry (DTI) upang beripikahin ang business permit ng suspek, at sa iba pang kaukulang ahensya para sa mas malalim na imbestigasyon kaugnay ng ilegal na operasyon.
Binigyang-diin ng Isabela Police Provincial Office na patuloy ang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na pagbebenta ng LPG, lalo na sa mga produktong kulang sa timbang at walang awtorisasyon, upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang posibleng panganib sa buhay at ari-arian ng mga mamamayan.










