--Ads--

Arestado ang isang babae mula sa Brgy. Bone North, Aritao, Nueva Vizcaya matapos mahulihan ng 18 sachet ng hinihinalang shabu sa bisa ng search warrant na inilabas ng mga korte sa Aritao at Santa Fe.

Ang suspek, na itinago sa alyas na “Jane,” ay 42 taong gulang at residente ng nasabing lugar. Target din ng search warrant ang kanyang live-in partner, ngunit hindi ito naabutan sa bahay umano dahil sa kanilang pagtatalo bago ang operasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Elixer Reolalas, Deputy Chief of Police ng Aritao Police Station, sinabi niyang isang buwan ding minanmanan ng kanilang mga operatiba ang aktibidad ng suspek at ng kanyang kinakasama.

Ayon kay PCpt. Reolalas, napansin ng isa sa mga operatiba na tila may isinusubo si Alyas Jane sa gitna ng operasyon. Pinaniniwalaang nilunok niya ang isa o higit pang sachet ng hinihinalang shabu upang maitago ito sa mga awtoridad.

--Ads--

Narekober mula sa suspek ang 15 medium-sized plastic sachets ng hinihinalang shabu, na may tinatayang tig-iisang gramo bawat isa at kabuuang halagang ₱102,000. Nakuha rin ang tatlong karagdagang sachet na natagpuang nakaipit sa loob ng isang Bibliya, na may kabuuang timbang na 0.05 gramo at halagang ₱1,020.

Nasamsam din mula sa kanya ang isang cellphone, coin purse, ilang plastic, at lighter.

Ayon pa sa pulisya, sakto umanong kauuwi lang ng suspek mula sa kanyang pinagkukuhanan ng droga nang isilbi ang search warrant, kaya’t maraming droga ang nasamsam.

Muling nanawagan ang pulisya sa publiko na makipagtulungan at isumbong ang mga gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga upang matigil ang pagkasira ng buhay ng mga mamamayan dahil dito.