Malaking karangalan para kay PLt. Col. Andree Michelle Abella, dating Information Officer ng Police Regional Office 2 na mapabilang sa 20 Philippine National Police (PNP) peacekeeping contingents sa United Nations Mission in South Sudan (UNMISS).
Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt. Abella na labis siyang nagpapasalamat sa pamunuan ng PNP sa oportunidad na ibinigay sa kanya.
Unang inihayag ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. na ang PNP contingent ay kinabibilangan ng 13 female officers at 7 male officers na magsisilbi bilang Individual Police Officers (IPOs).
Ayon kay PLt. Col. Abella, kabilang siya sa 13 PNP personnel na unang bumiyahe patungo sa South Sudan noong November 16, 2022
Susunod ang 6 sa Nov 24, 2022 at ang isa ay darating doon sa December 5, 2022.
Nagsimula aniya ang proseso ng pag-apply nila noong nakaraang taon at noong Pebrero 2022 ay dumaan sila sa mga serye ng screening at examination nang pumunta sa Pilipinas ang mga kinatawan ng United Nations (UN).
Sila ang pumalit sa PNP Contingent na dalawang taon na nanatili sa South Sudan matapos silang hindi nakauwi dahil sa global pandemic.
Ayon kay PLt. Col. Abella, kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na may malaking contigent sa mga mission areas ng United Nations hindi lang sa Sudan kundi sa ibang bansa na may katatapos na conflict.
Bahagi sila ng UN Police na nagbibigay ng protection sa mga civilian at mapangalagaan ang kanilang karapatang pantao.
Tutulong sila sa rehabilitation mission ng UN sa Sudan na nakamit lang ang independence o kalayaan noong 2011.
Mayroon itong iba’t ibang tribu at lahi at nakaranas ng civil war.
Ayon kay PLt Col. Abella, maayos ang kanilang biyahe patungo sa South Sudan at sasailaim sila sa orientation para sa magiging trabaho nila sa nasabing bansa.
Maganda ang accomodation sa kanila ng United Nations at hindi nangyari ang kanilang pangamba na posibleng walang koryente sa kanilang magiging tirahan dahil maayos ang pasilidad sa kanilang tinutuluyan.
Apat silang nakatira sa isang malaking container van na may aircondition at maluwang na comfort room.
Mayroon ding internet connection ngunit kailangan nilang bumili ng data hindi tulad sa Pilipinas na may unlimited na paggamit ng internet kung may signal at connection.